Wednesday, January 3, 2018

Wow late update - 2018 version

It's amazing na halos mahigit dalawang taon din akong di nag-update dito. Angdami nang nangyari sa akin. Angdaming mga emosyon na sana ay naidocument ko dito kahit papaano. Kahit iyong mga time na nagreview ako, wala din dito. Iyon pa naman din iyong mga masasayang araw ko. Tapos CPA na pala ako. 2013 pa. Angsaya din. Tapos nagwowork na pala ako sa isang Big 4 na dati pangarap ko lang.

Naaalala ko pa rin iyong mga time na di naniniwala si Nanay na luluwas ako ng Manila after ng Board. Gusto ko na talaga kasi nung tumakas sa aking "preso." Matagal din akong nanirahan sa Pangasinan. Kaya naenjoy ko iyong isa at kalahating taon ko sa Baguio for review. Kaya naenjoy ko ang mga araw ko bilang empleyado ng aking Firm sa Makati. Masaya ako kapag bumabyahe, nagfifield at nakikita ang skycrapers at madaming mga tanawin.

Bakit kaya ako tumigil magpost? Ibig sabihin ba medyo sumaya na din kasi ako? Na di ko kailangan muna ng therapy? Pero sayang lang na di ko naisulat iyong mga panahong masaya ako. Iyong mga kakaibang emosyon. O ibig sabihin wala na talaga akong masabi na maganda? Tahimik na ba akong tao ngayon? Ayaw ko na talaga magkwento? Ang weird lang. Sobrang busy na ba talaga ako? O ayaw ko lang talaga maalala iyong mga panahong lasing ako? Na madaming beses nangyari? Anyway nagquit na pala ako magyosi. Alam mo wala talaga sa ayos itong post na ito. Ganon nga ata talaga kapag pinipilit kong magsalita ang isang taong gusto lang lagi magpahinga. ZzZzZzZzZz.

Sunday, November 8, 2015

When you're drunk

Pag-gising ko sa umaga kanina, ang una ko nanamang naalala ay iyong mga nakakahiya kong ginawa kagabi noong ako ay lasing. Haist.

For my reference next time:
-Kapag uwian na, derecho uwi. And I mean, ride a taxi. Hindi iyong usual na sinasakyan mo na bus and jeep at nakikita ng mga tao ang side mo na hindi naman dapat nila makita.
-Matulog ka na. Huwag na pumunta-punta sa saan-saan except kung kainan.
-Wag mo na subukang magtext. At mas malupit, wag mo na subukang magpost sa Facebook dahil lalabas iyan sa news feed ng mga friends mo. Unless nakasolve ka ng puzzle sa drunk text app.

Tuesday, November 3, 2015

Hanggang Tingin

Sa tuwing nakakakita ako ng maginoong lalake, napapangiti ako. Pansamantala. Dahil bigla na din ako malulungkot.

Meron akong imposibleng pangarap. Pangarap kong magkaroon ng lalakeng magmamahal sa akin at mag-aalaga. Magpakasal. Magkaroon ng pamilya. Mamuhay kasama siya sa bawat lungkot at saya, sa bawat hirap at ginhawa, habang nabubuhay at bago mamatay. Di ba parang masaya iyon? Wala ka nang mahihiling na iba. Pero kasi, imposible. Imposible kasi lalaki ako.

Naiinis ako sa sarili ko kung bakit ako may ganitong desire. Parang mali eh. Hindi dapat, pero hindi ko matiis. Hindi ko malaman ba't ganito ang aking nararamdaman. Pilit kong gawing bula pero wala akong magawa. Mukha akong masaya sa harap ng mga tao pero deep inside masakit. Masakit dahil dinesign ako na ganito, and yet ang gusto ko, hindi pwede, bawal. Hindi ko maintindihan.

Oo, alam ko nalelegalize na ang same-sex marriage sa ibang bansa at dumadami na din ang mga taong tumatanggap sa ganitong klaseng relasyon. Pero kasi, hindi ginawa ng Diyos ang isang lalake para makipag-isa sa isang lalake. Hindi ko nais galitin ang Diyos. 'Di naman sa pagmamalinis; alam ko namang gumawa din ako ng mga karumal-dumal na mga gawain. Pero ayaw kong gumawa ng malaking bagay na alam kong pagsisisihan ko din habang buhay. Alam ko na likas akong masama, na napanganak akong masama, at hindi tayo nabubuhay dito para tuparin lang ang mga pangarap natin at para gawin lang kung ano ang gusto natin. Nandito tayo para sa Diyos. Para sa kagustuhan Niya.

Kaya sa mga babae, matuwa kayo. Oo, naloloko kayo, nasasaktan. Pero makakakilala din kayo ng para sa inyo o kaya malay niyo, pagsubok lang pala at maging kayo din ng boyfriend niyo sa bandang huli. Matuwa kayo kasi ang possibility na matupad ang pangarap niyong magkapamilya, magkaanak, kasama ang lalakeng mahal niyo, ay mas mataas kaysa sa akin. Tang-ina; inggit na inggit ako sa inyo. Mas pipiliin ko pang maging babae. Kahit pangit, okay lang, basta babae.

Pasensya na po at ganito ang nararamdaman ko. Patawad po. Ang nais ko lang ay ayaw ko nang maramdaman ang klaseng lungkot na ito. Nais kong mawala na ang desire na ito, ang pangarap na ito. Sana balang araw, mawala na lang din bigla. Sana nga.

"Nuna... In our next life, don't be my sister. You can be really, really ugly, just please don't be my sister." - Temptation of Wolves (2004)

Saturday, June 7, 2014

How to Push People Away?

Narealize ko n di talaga ako gusto ng mga housemate ko. Simpleng request ko, 'di nila magawa. May pupuntahan sila bukas at di nanaman nila ako sinabihan. Nagkwekwentuhan nanaman sila ngayon na parang ako'y hindi nila nakikita. Para ngang ayaw talaga nila akong papasukin sa mundo nila. Narealize ko. Ayaw ko na.

Pagod na ako maitrato na parang tae. Kailangan na din matapos itong kagaguhan na to. Dati akala ko magiging close ko sila. Pero ayaw ko na umasa. Iyong tipong ikaw na lang lagi gumagawa ng effort. Iyong tipong di mo malalaman babayarin sa kuryente at tubig kung di mo tatanungin. Lahat na lang kailangan tanungin. Grrr... I tried my best. Pero nakakapagod na manglimos ng atensyon. Lagi na lang ganito nararamdaman ko.

Panindigan ko na lang kaya maging loner? I wish pushing people away is something I'm good at. Siguro balang araw?

Saturday, November 3, 2012

Regrets sa Pag-aaral


Normal day. Gigising. Nothing to do again. Check ang inbox sa phone; lahat walang kwenta. Typical bullshit.

Well, just joined a UP group yesternight. Ewan, nakakaaliw lang kasi magbasa. And besides, welcome naman kahit hindi taga-UP. Normally, people always aim to be the best. Pero ngayong bente anyos na ako, biglang gusto ko na lang makamit iyong pagiging the best. Ngayon pa, kung kailan graduate na ako! Lagi na lang akong latebloomer pucha.

Nagtake din naman ako ng UPCAT dati. Bagsak. Pero never knew my grade, may mga ipapass pa daw ng requirements or something like that. Anyway, inignore ko na lang noon because simply I just didn’t care enough. Ngayon, gusto ko tuloy malaman kung ano ang naging grade ko. Kaya lang mukhang hindi na iyon posible ngayon.

At ngayon ako’y sobrang nagsisisi. Anong ginawa ko? First honor ako ng grade one pero… hinayaan kong bumaba ang rankings ko. Kuntento na ako basta kabilang sa top 5. Sa college, got worse. Ewan ko ba talaga if may kinalaman ang pagpapaaral sa akin sa hindi naman kagandahan na unibersidad unlike sa unibersidad ni kuya. Basta pasado, pasang-awa, kuntento na. Ni hindi ko man lang in-aim na maging scholar.

Daming what-ifs kasi. Kasi what if mas ginalingan ko? What if mas nagpursigi ako? Papasa kaya ako sa UPCAT? Gragraduate kaya akong valedictorian? Papayagan kaya akong mag-aral sa ibang unibersidad? Magiging dean’s lister kaya ako? Magiging at least cum laude kaya?

Sa pag-iisip ng mga ito, gusto ko tuloy bumalik sa pinakanakaraan para subukang baguhin ang lahat. Kaya lang hindi naman iyon posible. Eh eto tuloy ang naging resulta, wala man lang akong maipagyayabang. I’m just nothing. Walang kakwenta-kwentang nilalang.

Ewan ko ba. Angdami kong hindi ginawa. Kaya tuloy ako nagkakaganito ngayon. Ewan ko ba ba’t bigla na lang ako hindi nakuntento sa buhay. Angdami kong pinagsisisihan. Pangit talaga sa pakiramdam, lalo na’t alam kong wala na akong magagawa…

“Twenty years from now you will be more disappointed by the things that you didn't do than by the ones you did do. So throw off the bowlines. Sail away from the safe harbor. Catch the trade winds in your sails. Explore. Dream. Discover.” - H. Jackson Brown Jr., P.S. I Love You


Wednesday, April 25, 2012

Graduate na ako!

Happiest day na ito siguro.

Ngayon ako grumaduate ng college, este marcha lang pala, kasi kailangan ko pang iretake ang preboard. Pero kahit na, masaya pa rin! XD

Katabi ko siya. Tatlo lang kaming lalakeng magkaklase na grumaduate ngayon, pero dahil cum laude iyong isa pa at sa harap kailangang umupo, dalawa lang kaming natira kasama ang iba pang mga BSA.

Dami din kaming napag-usapan: iyong bagong drama ni Lee Min-jung, iyong kinain naming Chinese food na lasang monggo kahapon na parang expired na ata, iyong riddle na itranslate daw sa Ingles ang 'iboto ang tatlong lungsod', iyong shamrock, iyong nakakaakit ng video ng improvement ng school namin, iyong yearbook, iyong solusyon sa problema ng kaibigan namin dahil wala siyang tassel, iyong buong kwento ng pagkakaroon niya ng bulutong, kung nakapag-enroll na ba siya sa RESA, kung attend ba sila ng church bukas, iyong pagkahawig nila ni daddy nila, iyong related sa civil service exam at iyong hindi pa niya pagkuha sa kanyang certificate, at marami pang iba. Hehehe...

Saka hindi sa may pagtingin pa ako sa kanya pero wala lang, masaya ako eh. Lalo na ngayon siguro na hindi na ako masyado nag-eexpect. Kumbaga, ineenjoy ko na lang iyong mga moments na kasama ko siya. Lalo na kung nasa mood siyang makipag-usap. Kaninang graduation song, nahawakan hinawakan ko iyong kamay niya (nagsuggest ako na magholding hands kami lahat na magkaklase, tutal ganon din ng ginagawa ng ibang course at ibang kaklase eh XD). Tapos kanina dami din naming pictures. Tapos inayos pa niya iyong hood ko kanina at iyong tassel. Wala lang, hehe. Little things lang pero itong mga little things na katulad nito ang nagpapasaya ng SOBRA sa buhay ko.

(At... hinagis ko din iyong cap ko kanina. Kaya lang mali iyong pagka-landing. May natamaan tuloy. XD Hehehe)

Wednesday, February 15, 2012

Job Fair!


Masaya itong araw na ito.

Kaninang umaga, nagkaroon ng job fair sa Multi-Purpose Hall ng school namin. Six companies ang nandoon at nag-apply ako sa lahat kasama na ang Sutherland Global Services, TIPCO, Magna Enterprises at Magic. Masaya palang mag-apply lalo na dahil wala namang pressures. Iyong bang feeling na okay lang kahit hindi ako matanggap. Nag-enjoy din ako sa pagdadaldal at pagsasagot ng mga questions. Iyong mga ibang company, binigyan na lang ako ng maps at punta na lang daw ako sa certain branch nila if interesado talaga akong mag-apply. Iyong iba, kokontakin na lang daw ako pagkagraduate.

Pinakainteresante para sa akin ay iyong Sutherland. Call center company kasi ito tapos kailangang English iyong pagsasagot kaya medyo kinabahan ako. Mga tanong na naalala ko... "Can you give me directions on how to tie a shoe?" Directions on how to go to your hometown?" "Everything you did yesterday since you woke up?" "Count from 31 to 40." Buti nga at nakapasa ako sa interview na iyon. Kaya noong 1PM, bumalik ako para magtake ng essay at listening test. Kokontakin na lang daw ako next week kung ako'y nakapasa. Ang talagang habol ko pero ay iyong free training 'pag summer kasi gusto ko talagang mag-improve iyong English at communication skills ko. Siguro magwowork ako doon ng six months.

Conclusion: Masaya ang job fair lalo na kung mahilig kang makipag-usap. Kaya kung magkakaroon ng job fair sa lugar na kung saan malapit sa inyo, pumunta ka na at magdala ng ilan-ilang resume!